Isang maikling gabay sa pagpapasuri ng suso
Ang papel-kaalaman na ito ay nagbibigay ng maikling pangkalahatang-ideya tungkol sa BreastScreen Queensland. Ipinapaliwanag nito kung sino ang maaaring magpa-breast screen sa programa, kung ano ang ginagawa sa breast screen, at kung paano gagawa ng appointment dito.
Ano ang nangyayari sa breast screening appointment
Ipinapaliwanag ng video na ito ang proseso ng pagpapa-breast screen sa amin. Sinasaklaw nito ang:
- paano maghanda para sa iyong appointment
- paano susuriin ang iyong mga suso
- ano ang mangyayari pagkatapos ng iyong appointment.
Ang breast screening ay makakatulong sa paghanap ng mga kanser na nag-uumpisa pa lamang, na nagbibigay sa iyo ng karagdagang mga opsyon sa pagpapagamot.
Dito sa BreastScreen Queensland, nag-aalok kami ng libreng breast screening sa buong estado para sa mga kababaihan na may 40 taong gulang pataas na hindi napansin ang anumang mga pagbabago sa kanilang mga suso. Ang breast screen ay pinaka-epektibo para sa mga kababaihan na may 50 hanggang 74 taong gulang, at padadalhan ka namin ng imbitasyon kada dalawang taon kung ikaw ay nasa grupo ng edad na ito
Kung pupunta ka sa iyong appointment, mangyaring huwag maglagay ng pulbos o deodorant dahil maaari itong makaapekto sa iyong breast screen. Iminumungkahi namin na magsuot ka ng magkahiwalay na pang-itaas at pang-ibaba para matakpan ang ibabang bahagi ng iyong katawan habang nasa screening.
Makakatulong kung darating ka nang mas maaga ng 10 minuto. Sa pagdating mo, sasalubungin ka ng aming malugod na receptionist. Hihilingin niya sa iyo na punan ang ilang mga form at tingnan ang iyong Medicare card.
Ang aming babaeng radiographer ay dadalhin ka sa screening room at ipapaliwanag kung ano ang mangyayari.
Siyempre, maaari kang magtanong sa kanya ng anumang nasa isip mo. Gumagamit siya ng espesyal na X-ray machine para mahanap ang napakaliit na mga kanser na hindi mo nakikita o nararamdaman o maging ng iyong doktor.
Baka nag-aalala ka na ang screening ay magiging matagal o masakit, ngunit kadalasan ito ay mabilis at bahagyang nakakailang lamang. Maaari mong hilingin sa iyong radiographer na huminto anumang oras.
Hihilingin niya sa iyo na tanggalin ang iyong pang-itaas at bra at ipoposisyon ang iyong suso sa machine at bahagyang didiinan ng ilang segundo upang makakuha ng malinaw na imahe. Uulitin ito sa kabilang suso. Kukuha siya ng apat na X-ray, dalawa sa bawat suso.
Ang mga larawan ng iyong breast screen ay susuriin isa-isa nang hindi bababa sa dalawang lubos na sinanay at dalubhasang doktor. Karamihan sa mga kababaihan ay makakatanggap ng kanilang mga resulta sa loob ng apat na linggo. Kung ibibigay mo sa amin ang mga detalye ng iyong doktor,padadalhan din namin siya ng kopya.
95 sa 100 kababaihan ay may normal na resulta ng breast screening na walang nakitang kanser sa suso. Lima sa 100 kababaihan ang nangangailangan ng higit pang mga test. Ngunit kung nabibilang ka sa grupong ito, hindi ibig sabihin na may kanser ka. Nangangahulugan lamang ito na may kailangan pang suriin nang mabuti sa aming Assessment Clinic.
Ang iyong pagbisita ay malamang na tatagal lamang ng kulang-kulang sa 30 minuto, at sa oras na ito ang aming may karanasan at malugod na kawani ay aalagaan ka nang mabuti.
Kaya, kung ikaw ay mas matanda sa 40 taong gulang, tanggapin mo ang aming alok para mabigyan ng libreng breast screen. At kung ikaw ay may edad na 50 hanggang 74, aanyayahan ka naming manatiling up-to-date sa iyong breast screening dahil ang maagang pagkatuklas ay magbibigay ng mas maraming opsyon sa paggamot at malaki ang magiging pagkakaiba nito.
Mag-book para sa breast screen ngayon.
Mayroon kaming mahigit sa 260 na lokasyon sa buong Queensland, ang ilan ay bukas pagkatapos ng oras ng opisina.
Para sa karagdagang impormasyon o para gumawa ng appointment, bisitahin ang breastscreen.qld.gov.au o tawagan ang inyong lokal na BreastScreen Queensland Service sa 13 20 50.
Last updated: June 2024